Artikulo ni Virgilio Almario

Si Corazon Bilang Makata ng Buhay

Virgilio Almario

Nang ilathala ni Jose Corazon de Jesus ang kanyang unang koleksiyon ng tula ay pinansin ni Iñigo Ed. Regalado, na siyang sumulat ng paunang salita, ang tila pagkahumaling ni Corazon sa “marikit na larawang naihihiyas sa mga tula.” Hinahanap kasi ni Regalado sa
kabataang makata ang “mahahalaga, matatayog, at maririkit na isipan” na sa kanyang palagay ay higit na ikinabantog ng Florante at Laura ni Balagtas. Ganito ang buong haka ni Regalado:

Isang bagay na mahalaga ang aking napansin sa mga tula sa aklat na ito ni Corazon: ang kakulangan ng isipan sa pagtula ng isang makata ay dapat magsaglit, nang hindi nalaman, sa maririkit na larawang naihihiyas sa mga tula. Hinggil sa bagay na ito’y may nakatalo na ako, at umano’y hindi nararapat ipilit ang bagay na aking sinabi sa makatang gaya ni Corazon, pagka’t umano’y mawawalan ng tamis ang tula at ito’y magiging pilit. Ngunit… itinatanong ko naman: kulang baga sa tamis ang tula ni Balagtas? Pilit baga ang pagkakatula sa “Florate at Laura”? Kung ang walang kamatayang aklat na ito ni Baltazar ay kinagiliwan ng lahat ay dahil sa tamis ng pagkakatula, at kung iyan ay napabantog ay dahil sa mahahalaga, matatayog at maririkit na isipang, hanggang sa mga araw na ito ay nagiging salawikain at nagiging bukangbibig ng marami.

Ang Mga Dahong Ginto ay isang manipis na antolohiya ng ilang tula ni Corazon, karamihan
ay mga paborito niyang tulang pambigkas at dalawang mahabang tulang pasalaysay. Totoong bukod sa masisteng “Ang Manok Kong Bulik,” ay nananaig sa mga tula ang pagtatanghal sa eksaheradong damdamin, paindayog man o patagulaylay, sa pamamagitan ng maririkit na parirala. 1920 noon, dalawampu’t anim na taong gulang si Corazon, may santaon nang kasal si Asuncion Lacdan at nagpasiyang talikdan ang tinapos na pag-aralang abogasya at ibuhos ang sariling buhay sa pagtula, at nagsisismula nang umipon ng mga tagahanga sa pamamagitan ng kanyang panambitan bilang “pusong sawi.” Si Regalado na rin ang nangatwiran para sa kaniyang pinupuna sa pamamagitan ng dagliang pahayag na “si Corazon ay bata pa”

Noong 1928 at ilathala ang Sa Dakong Silangan ni Corazon ay si Regalado muli ang nagpaunang salita at kaagad niyang idineklara:

Isa sa dapat ikatangi sa akdang ito ng makatang si Corazon ay ang
pagkakaroon ng mga butil at mga isipang noong una’y hinahanap-hanap ko sa
kanyang mga tula. Kung bagaman may karukhaan ng kaunti ang ayos ng
kasaysayang sinulat niya ng patula ay sagana naman sa matatayog na layuning
kung minsa’y napapaloob sa mga bagong isipan at kung minsa’y nakasilid sa
maririkit na salitang inilahok niya na may uring patalinghaga.

Nasa tugato na noon ng katanyagan si Corazon, mahigit limang taon nang sinusundan ng taumbayan ang kanyang araw-araw na kolum patulang Buhay Maynila bilang si Huseng Batute, dinudumog ng madla ang mga pakikipagtunggali niya sa balagtasan, at ginagaya ng maraming makata hindi lamang ang kanyang pananaludtod kung hind imaging ang kanyang tinig at pagbigkas.

Alegoryang Pampolitika

Sadyang mabibighani si Regalado sa tulang pasalaysay na Sa Dakong Silangan. Naghahanap siya ng mga butil ng kaisipan sa unang libro ni Corazon. Sa pagkakataong ito, hindi na
niya kailangang maghanap. Sadyang sinalungguhitan na (o nilimnbag sa tipong italiko) ni Corazon para sa mga tulad ni Regalado ang mga kopla na nagdudulot ng aral at maaaring gamiting “salawikain at nagiging bukangbibig ng marami upang medaling matagpuan sa loob ng 443 saknong.

Hindi lamang iyon. Pipitlag ang makabayang damdamin ni Regalado bilang Balagtasista dahil sa programang politikal ng tulang pasalaysay na ito. Ayon rin sa pagbasa ni Regalado:

Ang layon ni De Jesus sa pagsulat nitong sa “Dakong Silanganay palitan ang mga
lumang awit ng mga babasahing makabuluhan at maka-bago sa isang ayos at paraang
kahambing din ng mga awit. Inaakala kong ang mga mahiligin sa pagtula ay
makagagawa ng isang mahalagang paglilingkod sa Wika at sa Bayan kung si De Jesus
ay susundan nila sa ganito nilang layon.

Ang Sa Dakong Silangan ay isang tahasang alegoryang pampolitika at malinaw na kapatid mga drama simboliko nina Aurelio Tolentino, Juan Abad, at Tomas Remigio. Malubha ang karamdaman ni Haring Pilipo dahil matagal nang nawawala si Reyna Malaya. Hinanap ang ina nina prinsesa Bituin at Mandiwa ngunit sila man ay nangawala. Sumunod si Prinsesa Luningning, at sa simula ng salaysay ay napadpad siya sa kahariang Sispanya at kinupkop sa palasyo ni Haring Iberio. Umibig sa kanya si Prinsipe Leon at ikinagalit ito ni Reyna Cristina. Sa tulong ng Kardenal, napalayas sa palasyo si Luningning.

Sa isang kubo sa gubat, natagpuan si Luningning ng kasintahang si Bayani, na naghahanap din sa Reyna Malaya. Dumating din doon sina Magiting at Dakila, mga kasintahan nina Bituin at Madiwa. Alam pala ng tatlong mandirigma na nakabilanggo sa Bundok Bendita si Reyna Malaya at kaya binalak nilang bumalik sa kaharian ni Haring Pilipo at mag-ipon ng hukbo para salakayin ang Bundok Bendita.

Sa madaling sabi, napalaya si Reyna Malaya, muling lumakas si Haring Pilipo, nakasal ang tatlong prinsesa sa kanilang mga kasintahan, at nagbalik ang ligaya at kasaganaan sa dakong Silangan. Ngunit di nagtagal, may mga bagong dayuhang dumating kasunod ng paglitaw ng isang malaking agila. Pinangungunahan ito ng dalawang anak ni Haring Samuel, sina Prinsipe Dolar at Duke Democrito. Si Duke Democrito ay marangal at matulungin. Ngunit si Prinsipe Dolar ay mahilig sa salapi at nahumaling kay Madiwa. Muling naghari ang kalungkutan sa lupain ni Haring Pilipo.

Tulad ng mga drama simboliko, sinulat ni Corazon ang kanyang salaysay sang-ayon sa kasaysayan ng Filipinas nina Rizal, Plaridel at Bonifacio, karugtong ang nasyonalista at kontra-Amerikanong pagsusuri ng mga Balagtista sa kalagayang pambansa sa bungad ng ika-20 siglo. Ang larawan ng Silangan bago dumating ang mga dayuhang taga-Sispanya ay waring hinango sa “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” ni Bonifacio. Ang panaghoy ni Reyna Malaya habang nakatanikala at ginagahasa tuwina ng Kardenal ay malinaw na gunita ng himutok ni Florante sa awit ni Balagtas. Ang pangyayaring hindi alam ni Haring Iberio ang pagsasamantala ng kanyang mga katiwala sa Silangan ay bunga ng linyang repormista ng Kilusang Propaganda. Ang Bundok Bendita ang kongkretisasyon ng frailocracia ni Plaridel. Sina Prinsepe Dolar ar Duke Decmocrito ang doble- karang imahen ng imperyalismong Amerikano – na “makapilak” at “makadukha” – tulad ng malimit ilarawan ng mga nasyonalistang peryodista sa panahon ni Corazon.

Ang magkakasanib na birtud nina Bayani, Magiting at Dakila ang idealism ng naganap na Himagsikang Filipino laban sa Espanyol. Kahit ang paghahanda ng hukbo tungo sa Bundok Bendita ay waring lumalagom sa romansa ng mga unang paglaban ng mga Katipunero:

Matulis na sibat ng paghihiganti’y
muling inihasa kahi’t hatinggabi.
sungay ng tambuli at sulong nagsindi
ang siyang gumising sa bayan ng api.
Kumilos ang lahat, ang aliping tulog
ay nagbangong tila may bulkan sa loob;
may kagat na dagang halos nginangalot,
matalim na mata’y nagliliyab halos.
Handa na ang lahat sa paghihimagsik,
makaorasyon na nang sila’y umalis,
yutayutang sibat ang nangakikiskis,
laksalaksang sulo ang taas sa bisig.
Sa datihang andas ang Haring Pilipo
ay pasan ng kanyang leal na basalyo,
at sa likod niya’y ang tatlong guerrerong
sa bayang nagbango’y siyang nagmamando.
Ang kastilyong yaong natayo sa bundok,
ay sasalakayin hanggang sa madurog;
Doon hahanguin ang Reynang may gapos
at ang Kalayaa’y doon din sisipot.

Hitik sa mga simbolikong gunita ng Himagsikang Filipino ang tula. Isa na ang pagtahi sa watawat ng lahi ng tatlong prinsesa (Hindi ba’t tatlong babae ang nasa pintura higgil sa gayong pangyayari?) habang naghihintay sa resulta ng paglusob. Bukod pa rito ang mga nakasalungguhit na taludtod na malimit na pawang nakaukol sa pag-antig ng pag-ibig sa bayan, katarungan, at kalayaan. Makaraan ngang ilarawan ang hukbong pasalakay sa Bundok Bendita ay sinalungguhitan ni Corazon ang isang kasunod na saknong para parangalan ang sanhi at halaga ng marahas na paghihimagsik:

Itong bayan pala kung apiapihan,
ay humahanap din ng sikat ng Araw,
at ang lahi palang walang kalayaan,
sa dulo ng tabak humahanap niyan.

Nagwakas mismo ang salaysay sa isang panawagan para sa mga kabataang “pag-asa ng bayan” at dito’y pinagsalita ni Corazon ang mga “bayaning kahapo’y nalibing” – ang mga nasawi sa Himagsikang Filipino at marahil, sa Digmaang Filipino-Amerikano – na hindi mapanatag sa kanilang hukay dahil sa patuloy na daga ng hirap at mapanlinlang na pag-agaw sa kalayaan ng kanilang bayan.
Kung antas ng adhikang pampolitikang kontra-Amerikano ang susuriin ay isa na sa pinakamataas at lantad ba lantad ang Sa Dakong Silangan. Nakagugulat hindi lamang ang walang-pangiming batikos ni Corazon hinggil sa kawalan ng kalayaan sa Filipinas kung hindi maging ang talas ng kanyang kamulatan hinggil sa agham pampolitika at lalo na sa operasyon ng imperyalistang hegemoniya. Sa ilalim ng “engkanto” ng Agila, sinalungguhitan ni Corazon ang sumusunod na mga kopla na nakabudbod sa bandang dulo ng salaysay:

Mayrong bayan palang kahi’t sinasakal
ay di mo makita ang bakas ng kamay!

Taling iginapos ay hindi makita,
Lubog na sa utang nakangiti pa…

Kinagat ng asong buto ng kalansay,
may konti pang litid ay ayaw bitiwan.

ngayon ay ginto nga, malaki’t mainam,
nguni’t kulungan din ang kinalalagyan…

nakasangla ka na’y di mo pa halata,
nagsasayaw ka pa’y nakatanikala.

Kahit sa Europa’y isang dekada pa noon bago mabuo ni Gramsei ang kanyang pagsusuri sa salimuot ng hegemoniya. Matagal nang patay si Corazon nang magtining ang kritika ni Claro M. Recto sa maniobra ng imperyalismong Amerikano. Ngunit bilang si Huseng Batute at sa akdang ito ay waring gagap na’t tiyak ni Corazon ang higit na mapanganib na pakariwara ng Filipinas sa kamay ng bagong mananakop.

Makata lamang sa Puso?

Ang paraan ng pagbasa ni Regalado ang nagbantayog Sa Dakong Silangan bilang katangi- tanging akda ni Corazon. Sa katunayan, waring ito lamang ang tinatandaang mahabang tulang pasalaysay ni Corazon. Patuloy itong nagkaroon ng limbag hanggang 1947. Isang tulang pasalaysay niya ang isinalin sa ibang wika at sa pelikula. Isa pa ang hinanguan ng isang dula. Ngunit ngayo’y lingid na sa gunita ng madla at walang nag-uukol ng pag-aaral sa mga iyon.

Maraming tulang pasalaysay si Corazon. Popular sa mga itoang maikling “Ang Pagbabalik” at ang masiste’t mahaba-habang “Ang Manok kong Bulik” Sapat lamang ang haba ng mga ito para mabigkas niya kapag nahilingang tumula. Gayundin kaipala ang gamit ng “Sisa” na halo sa nobela ni Rizal Ngunit pito ang kanyang orihinal at maituturing na tulang pasalaysay na may ganap na haba.

Pinakauna sa pito ang Ang Sawa at Ang Karterona kapwa nalathala kasama ng Mga Dahong Ginto. Katulad ng ibang mga tula sa naturang koleksiyon, malaki ang posibilidad na sinulat ni Corazon ang dalawang tulang pasalaysay na ito sa pagitan ng 1916 at 1920. Ikatlo ang Gloria na isinerye nang lingguhan sa Liwayway noong Enero 4 – Abril 25, 1924 at muling nalathala kasama sa Mga Tulang Ginto (1958). Ikatlo ang Sa Dakong Silangan (1928)na sinundan ng lingguhang pagserye sa Liwayway noong Mayo 24 – Agosto 9, 1929 ng Ang Ilaw sa Kapitbahay. Magkasunod din ng taon ang paglabas ng nakalibrong Ang mga Itinapon ng Kapalaran (1930) at ng Maruming Basahan na isinerye sa lingguhang Sampaguita noong Hunyo 3 – Agosto 26, 1931.

May anunsiyo na malapit nang malathala ang kanyang huling tulang pasalaysay sa Sarong Ginto na Puno ng Luha ngunit hanggang ngayo’y wala akong masaliksik na kahit bahagi man lamang nito. Namatay si Corazon noong Mayo 26, 1932 at maaaring nawalan siya ng pagkakataon para umpisahan man lamang ang nabanggit na nakapabalitang proyekto.

Sa tingin ng madla at ng kapanahon, si Corazon ay isang “makata ng puso” – ang tawag ni Julian Cruz Balamaseda sa mga sumusulat ng tulang liriko – at sa gayo’y sadyang mahiligin sa maindayog dili kaya’y malamukot na pananaludtod. Marami ang humahanga sa kanya dahil sa gayong katangian. Noong 1916 ay napili siyang “Makata ng Pag-ibig” sa isang halalan ng mga mambabasa sa peryodikong Mithi. Iyon ang kanyang naging bantayog at lapida bilang makata sa pananaw ng mga tagahanga at kritiko nitong makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ibinilang din siya sa mga “makata ng buhay” ni Balmaseda dahil sa tatlo niyang tulang pasalaysay:

Sa mga “makata ng buhay” sa paano’t paano ma’y kabilang din si Lope K. Santos, dahil sa kaniyang “Ang Pangginggera,” si Jose Corazon de Jesus, sa kaniyang “Itinapon ng Kapalaran,” “Ilaw sa Kapitbahay,” at “Maruming Basahan”; si Florentino Collantes, sa kaniyang “Tulisan,” si Patricio Mariano, sa kaniyang “Mga Anak-Dalita,” si Carlos Gatmaitan, sa kaniyang “Ang Dalagang Tagabukid” at marahil ay mga tatlo o apat pang, mababatak-batak na rin king ibigin.


Para kay Balmaseda, ang “makata ng buhay” ay pantapat sa sumusulat ng tulang epiko. Ang salin ay maaaring bunga ng pagsasaalang-alang sa pagtawag noong panahon ng Espanyol sa mga tulang pasalaysay bilang “buhay.” May mga pamagat ang awit at korido na pinangungunahan ng pangalang “buhay,” isang bagay na maaaring may malalim na sinaunang ugat gaya ng pangyayaring ang mga tulang pasalayasay sa Ilokano, halimbawa’y Biag ni Lam-ang, ay nagtataglay ng gayong kahulugan.

Ngunit higit na pakikinabangan ang titulo ni Corazon bilang “makata ng buhay” kapag sinuri ang “buhay” na nakakital sa kanyang tulang pasalaysay kahambing ng “buhay” sa mga awit at korido ng nakaraang panahon. Hindi marahil epiko, sang-ayon sa pamantayang Kanluranin at nais tapatan ni Balmaseda, ang mga tulang pasalaysay ni Corazon. Gayunman, layunin ng aking panukala na titigan ang kanyang teksto sa loob ng nagging kasaysayan ng panulaan hanggang sa panahon ng Amerikano at kaagapay ang ibang pagtula na supling ng tinawag kong Balagtasismo. Sa gayong titig higit na mapagigitaw ang birtud ng kanyang mga tulang pasalaysay bukod sa maililigtas siya sa mga dulot na patibong ng pagiging “makata ng puso” at “makata ng pag-ibig.”

Malaki ang aking hinala na bukod sa Sa Dakong Silangan ay sinasadyang kaligtaang pag- aralan ngayon ang ibang tulang pasalaysay ni Corazon dahil sa bitag ng naturang mga etiketa. Inihanay man ni Balmaseda sa Ang Pangginggera ni L.K. Santos ang tatlo sa mga salaysay ni Corazon ay higit na nananaig sa lahat ang udyok na makata lamang siya ng “puso” at “pag-ibig.” Na para sa marami, lalo na sa mga aral sa pormalismo ng New Criticism, ay kahalintulad ng pagiging sentimental at romantisista.

Sa unang malas, tila naman sadyang gayon ang mga salaysay ni Corazon. Ang dalawang una; Ang Sawa at Ang Kartero, ay waring dramatisasyon lamang ng pag-iral ng masidhing damdamin. Sa Ang Sawa, si Prinsesa Tarhata ay dinapuan ng mahiwagang sakit at gumaling lamang sa pamamagitan ng pag-inomng dugo ng sawa. Di kataka-taka na mag-alaga siya pagkuwan ng isang sawa na nagging magilas na Prinsipe ng Medya Luna at itinakda ang kanilang kasal. Sa araw ng kasal, kinuha ng prinsesa ang alagang sawa at hinagkan ng paalam. Lihim palang nalulungkot ang sawa.Biglang pinupuluputan nito ang prinsesa, nilingkis nang mahigpit, hanggang mamatay.

Sa Ang Kartero, ang dukha’t ulilang si Benito ay umibig kay Pilar. Parang walang katapusan
ang kanilang ligaya at tuwang-tuwa si Benito na kahit isang pobreng kartero lamang ay inibig ng mariing na si Pilar. Ngunit niligawan ang dalaga ng isang mayaman at sumama siya ritong magtanan. Mula noo’y nagging walang-kibo ang kartero. Pagkaraan ng pitong buwan, isang grandeng kasal ang iginayak ng lumitaw si Benito at sinaksak ang dalawang bagong kasal. Tulad ng sawa, binaliw si Benito ng napakatindig pag-ibig.

Ang Gloria ay isang higit na masalimuot na salaysay ngunit hitik din sa makabagbag- damdaming mga tagpo ng marubdob na pagmamahal. Ang buhay ni Gloria ay tila rosary ng walang katapusang siklot ng tadhana. Anak siya sa pagkakasala ng isang dalaga na umibig sa isang doktor na may-asawa. Pagkasilang ay itinapon ang sanggol sa gitnang bukid at napulot ng isang mag-asawang walang anak. Nagkataon na isang bagong silang din na sanggol ang aksidenteng napatay ng sisiwa o tagapag-alaga. Naghanap noon din ang asawa ng sisiwa ng sanggol na pampalit sa namatay at ang nanakaw ay si Gloria.

Para naming biro ng tadhana na halos magkapitbahay ang tunay na ina ni Gloria at ang kanyang bagong pamilya. Nakilala siya siyempre ng tunay na ina at nang may isip na siya ay nagpakilala ito sa kanya. Nalaman naman ng kanyang ina-inahan na hindi siya nito tunay na anak kaya pinalayas siya ng bahay. Gayunman, sa paglaboy ay napapunta si Gloria sa tahanan ng kanyang tunay na ama na wala palang anak. Nang makilala siya nito ay kinupkop siya kaya’t nakatikim ng ligaya si Gloria.

Sa kabilang dako, musmos pa’y matalik na kaibigan ni Gloria si Roberto. Mahusay lumanoy si Roberto at iniligtas niya si Gloria nang minsang mahulog sa ilog. Sa bundok naman ay nakatira ang isang kilabot na pangkat ng tulisan sa pamumuno ni Tarencio. Isang araw na nangunguha ng kahoy sa gubat si Gloria ay nasalubong ni Tarencio at tinangka siyang gahasain ng tulisan. Mabuti’t dumating si Roberto at tinalo si Tarencio sa labanan. Umalis ang tulisan na nagbabanta ng higanti.

Gusto ng ama niya na mag-aral si Gloria sa Maynila. Nagkita sina Gloria at Roberto para magpaalam at magsumpaang hindi lilimot sa isa’t isa. Nang maghiwalay sila, nakaabang pala ang pangkat ni Tarencio. Binugbog si Roberto at itinapon sa ilog. Kinagabihan, nilusob ni Tarencio ang bayan para agawin si Gloria. Nagtanggol ang doktor at napatay silang mag-asawa. Ngunit malubha ring nasugatan si Tarencio at hindi nakatakas nang gumibik ang taumbayan. Namatay si Tarencio na sumusumpa ng pag-ibig kay Gloria.

Minana ni Gloria ang kayamanan ng ama. Ngunit ano ang silbi ng yaman kung ulila at wala ring kasintahan? Ipinamigay niya sa kawanggawa ang minana. Tinanggihan din niya ang napakaraming mangingibig. Hindi naglaon, ipinasiya niyang lumuwas sa Maynila at pumasok sa monastery ng Santa Clara. Si Roberto naman pala’y hindi nalunod ngunit ilang buwan munang nagpagaling bago nakauwi. Nang malamang nag-Maynila si Gloria ay nagpilit siyang sumunod kahit mahina ang katawan. Nagpalaboy-laboy siya sa lansangan ng siyudad at nagging pulubi habang hinahanap-hanap si Gloria.

Mahinang-mahina na si Roberto nang magawi sa Santa Clara. Noon naman pala’y may sakit din si Gloria-bunga ng matinding pangungulila. Sa maikling salita, mulinh nagkita ang magsing-irog at tumakbo palayo sa monastery. Danga’t kapwa sila lubhang mahina at namatay nang magkayakap.
Kuwento naman ng bawal na pag-ibig Ang Ilaw sa Kapitbahay. Isang Dalagang anak na
mayaman ang umibig sa isang Binatang mahirap. Lihim silang nagtatagpo kapag hatinggabi sa hardin. Ipinasiya ng Ama na pag-aralin si Dalaga sa kolehiyo sa Maynila. Sa bisperas ng pag-alis, nakipagkita si Dalaga sa kasintahan sa dating tagpuan. Sa dilim, hindi napansin ni Dalaga na ibang lalaki ang kanyang katalik. Namulat na lamang si Dalaga sa katotohanan nang makatapos ang lalaki sa pagsasamantala sa kanya. Nang dumating ang kasintahan ay ipinagtapat niya ang nangyari. Gayunman, hindi niya ipinagtapat na nakilala niya ang lalaking nagsamantala sa kanya.

Lumuwas sa Maynila si Dalaga at doon nagbuntis. Inilihim niya ang pagsisilang at inihabilin ang sanggol sa isang mag-asawang nakatagpo niya sa simbahan. Ang palatandaan lamang niya sa sanggol ay ang taling sa pisngi at balat sa dibdib. Nang umuwi sa lalawigan ay muling nakipagkita si Dalagang mayaman sa kasintahan. Nahuli sila ng Ama sa hardin at pinalayas. Sumama si Dalaga sa kasintahan sa tahanan nito sa bundok.
Lumaking isang napakagandang dilag si Remedios at dinumog ng mga lalaki sa perya ng
Tundo. Isa sa naakit sa kanya ay si Paniki- ang pinsan ni Dalagang mayaman at halos ampon ng kanyang Ama. Tinawag siyang Paniki dahil laman ng lansangan kung gabi, lustay, at walang-awa sa makursunadahang babae. Kinidnap ni Paniki si Remedios at pinagsamantalahan.

Ipinakilala ni Paniki si Remedios sa amain at inisip na pakasalan. Tuwang-tuwa ang matanda nang amain dahil nabighani rink ay Remedios at dahil sa wakas ay tila lalagay na tahimik ang kanyang ampong pamangkin. Isang grandeng kasal ang iginayak. Inisip naman ni Paniki na ipagyabang sa pinsan si Remedios at dinalaito sa tahanan sa bundok. Agad kinabahan si Dalaga nang Makita ang taling sa pisngi ni Remedios. Nang maligo si Remedios sa batis ay nanilip si Dalaga, nakita ang balat sa dibdib ni Remedios, at noon din ay natiyak na anak niya ang pakakasalan ng kanyang pinsan.

Sa araw ng kasal, dumating ang mga taga-Tundo, kasama ang tunay na kasintahan ni Remedios, na handa sanang manggulo. Ngunit naunang nagsiwalat ng katotohanan ang tunay na ina ni Remedios. Pinigil niya ang kasal dahil bawal. Si Paniki pala ang gumahasa kay Dalaga sa hardin at kaya anak ni Paniki si Remedios.

Nabaliw si Paniki. Nanghingi naman ng patawad ang Amang mayaman. Ikinasal noon din si Dalagang mayaman at Binatang mahirap kasabay nina Remedios at kasintahang taga-Tundo.

Tulad ng Ang Sawa ay may bahid ng atmosperang eksotiko ang salaysay ng Ang mga Itinapon ng Kapalaran. Ang mag-asawang Kiko at Marta, kasama ang bagong silang na si Candida (Didang), ay nagpasiyang lumikas mulang Calumpit, Bulacan patungong Faire, Cagayan. Pumiling sila doon sa mga likas ding kababayan na sina Pedo at Juana. Si Juana ay kagampan at nagluwal ng kambal- sina Oscar (na maputi) at Renato (na maitim). Maligaya ang buhay ng dalawang pamilya.Patuloy na umunlad ang kanilang kabuhayan habang lumalaki naming matatalik na magkaibigan ang tatlong bata.

Nagkataon na sa bundok ng Katibugan ay nakatira ang isang mabangis na pangkat ng Kalingga. Isang masamang ugali nila ang pagkidnap ng hindi nila katribu. Isa sa kanila, si Yuge ang minsa’y nasugatan at inalagaan nina Kiko. Naging mabait na kaibigan nina Pedro si Yuge at nagging katu-katulong nila sa mga gawain sa bukid. Isang gabing may prusisyon ay lumusob ang mga Kalingga. Natangay si Renato. Ipinahanap nina Kiko kay Yuge ang bata ngunit kahit saang bundok ay di matagpuan ang nawawala.

Lumipas ang labingwalong taon. Dalaga’t binata na sina Didang at Oscar. Nagkasama sila lagi sa paghahatid ng tindang kalakal sa mga kalapit-bayan. Dumating sa Faire si Celso Vidal, isang agrimensor, para sa pagsusukat ng lupa. Umibig si Celso kay Didang at ang dalaga namang minsa’y nagtampo kay Renato ay sumagot pakasal sa agrimensor. Bago ang araw ng kasal ay itinanan ni Oscar si Didang at nagtira sila sa kagubatan.

Si Renato pala naman ay hindi pinatay ng mga Kalingga. Kinupkop siya ng pinuno, pinangalanang Isarog, at nang mamatay ang pinuno ay siyang humaliling lider ng tribu. Napadako si Isarog sa bahay-bahayan nina Oscar at Didang at binihag ang dalawa. Pagdating sa kanilang komunidad, nagdiwang ang mga Kalingga at naglasing. Ipinasiya ni Isarog na papugutan kinabukasan ang di nakikilalang kapatid. Mabuti’t naroon din pala si Yuge. Habang naglalasing sina Isarog ay tumalilis si Yuge at nagsumbong sa Faire. Nilusob ng mga taga-Faire ang kuta ng Kalingga at nailigtas sina Oscar at Didang. Nagbalik ang gunita ni Isarog/Renato at sa dulo’y nagpabinyag muli bilang Kristiyano.


Ang Maruming Basahan naman ay kuwento ng ulilang si Flora. Pabalik ang malaking bahagi ng salaysay. Nag-umpisa sa yugtong umuwi sa nayon si Flora at hinahanap ang mga dating kakilala at alam na lugar. Sa pamamagitan nito’y nagunita niya na noong musmos pa’y naulila siya at tanging kasiyan ang kaibigang pastol na si Dino. Tinawag siyang “maruming basahan” dahil laging marungis at parang pulubi ang buhay.

Ngunit may mayaman pala siyang amain, si Tiyo Serapion. Isang araw, kinuha siya nito at dinala sa Maynila at pinag-aral. Nakatikim si Flora ng lahat ng layaw ngunit malungkot. Hinahanap-hanap niya si Dino at ang buhay sa nayon. Nayayamot siya sa pagkukunwari at luho sa siyudad. Lalo siyang nalungkot nang ipagkasundo ng Tiyo Serapion ang kanyang pagpapakasal kay Tommy.

Sa araw ng kasal, tumakas si Flora at nagbalik nga sa nayon. Nakatagpo sila ni Dino sa hinulugang taktak sa gubat at doon idinaos ang simbolikal nilang pag-iisang-dibdib sa piling ng kalikasan.

Adhikain at Politikang Balagtasista

Sa ganyang mga lagom ng salaysay, ano nga ba ang makabuluhang pakinabang sa pagbasa ng mga tulang pasalaysay ni Corazon? Hindi ba’t ang kuwento ng banal na pag-ibig sa Gloria ay ordinaryo nang romansa magmula kina Carmen Rosales at Rogelio de la Rosa hanggang sa dramang pantelebisyon ngayon? Hindi ba’t ang pinagtiyap-tiyap na kapalaran ng mga tauhan sa Faire at sa dakong Silangan ay katulad din ng mga lantad na deus ex machina sa mga merriko romance noong panahon ni Balagtas? Hindi ba’t sina Remedios at Flora ay mga idealisasyon lamang ng muslak na pagtanaw sa mga maralita at taganayon, na naging palasak sa sarsuwela at nobelang Tagalog bago magkadigma?

Bagama’t waring gumagamit ng pananaw pangkasaysayan ay mababaw ang pagkatarok sa kasaysayan ng gayong pag-uusisa. Hindi nito nakikilala ang malaking kaibhan ng anyo at nilalaman ng panulaan sa bungad ng ika-20 siglo kapag ikinompara sa panitikan ng kolonyalismong Espanyol. Lalo namang hindi nito naisasaalang-alang na ang maituturing na palasak at gasgas na ngayon ay isang malikhaing kabaguhan noong pasimulan itong palaganapin sa panahon ng Amerikano. Ang ibig kong sabihin, ang bungad ng ika-20 siglo ay isang panahon ng kagulat-gulat at mabilisang paghuhunos ng iba’t ibang larangan ng panitikan at kulturang Filipino. Isang parikala na habang lumalaganap ang kapangyarihang Amerikano sa buong kapuluan ay patuloy namang namumulaklak ang bago’t modernong kulturang Filipino mula sa dating pagas na linang ng nagdaang kolonyalismo.

Si Corazon ang isang maningning na bituin sa maikli ngunit masaganang yugtong ito ng kulturang Filipino. Kaya dapat titigan ang kanyang pagtula bilang kapatid ng drama simboliko, balagtasan, parang kidlat na pagsulong ng katha (nobela at maikling kuwento), puspusang paglinang sa kundiman, pagtatatag sa barong tagalong at terno bilang kasuotang pormal, pintura ni Amorsolo, arkitektura ni Juan Arellano, at iba pang proyekto sa iba’t ibang larangan ng buhay at lipunan habang nag-aani ang mga Thomasites, sistemang pensionado, Payne-Aldrich Act, Philippine Assembly, at Benevolent Assimilation ng mga “kayumangging Kano.”

Bago naganap ang yugtong ito ay dumanas ang panulaang Filipino ng tatlong siglong dominasyon—isang mahabang panahon ng “bagyo’t dilim” sang-ayon sa talinghaga mula sa isang di- kilalang makatang Tagalog ng ika-17 dantaon hanggang kay Balagtas ng ika-19 na dantaon—at ipiniit ang harayang Filipino sa mga bagay na pansimbahan at pampalasyo.

Tinawag ko ito sa isang saliksik na mistulang pagwawalay ng panitikan sa lupang tinubuan upang sapilitang irungtong ang isang paa sa lupain ng bibliya at isa pang paa sa lupain ng metriko romanse. Matitimyas na produkto nito sa pasyon, senakulo, awit at korido, panunuluyan, at moro-moro. Sa kabila ng magiting na pagtatanggol ng sinauna’t katutubo ay napasukan ng mga sangkap na banyagang dulot ng kolonyalismo ang korpus ng panitikang Filipino, mga sangkap na pagtagal ay naging naturalisado at itinuring nang bahagi ng pagka-Filipino.

Ngunit kasabay ng pagdating sa Filipinas ng makabagong panahon ay nahasikan ang bansa ng diwaing mapagpalaya. Napakaikling panahon lamang ang Kilusang Propaganda at Katipunan na naglundo sa Himagsikang Filipino ng 1896 ngunit isang maluwalhating panahon iyon ng pagtatanghal sa mga kagalingan at karangalan ng Filipino. Nabigkas ang kapuluan ng iisa’t at nagkakaisang linggati, gaya ng pagtanggap nito sa isang awit at watawat.

Maliwanag na supling ng diwaing mapagpalaya sa huling bahagi ng ika-19 na siglo ang masaganang gawaing pangkultura sa panahon ni Corazon. Bukod sa patuloy sa pagkimkim sa lunggating lumaya at magsarili, halatang-halata ang obesyon ng harayang Filipinona makabalik sa sariling lupa at panahon. Masigasig ito sa paggunita ng mga natitirang pamanang katutubo sa mantalang nillilinang ang matalik na kaalaman sa kasaysayan at kasalukuyan ng lipunan. Halos baliwin ito sa pagsasaliksik sa sarili, at tulad ng maraming proyekto sa pagtatanghal ng pambansang kaakuhan ay malimit itong mauyot sa tugatog ng pangarap, gaya sa idealisasyon ng tinatawag ng civilizacion Antigua bago dumating ang mga kongkistador at misyonero at romatisasyon ng “mahinhing dalagang bukid” at “kaumangging lipi.”Ngunit mapilit din maging realista sa pagtalakay ng “totoo” at ng nagaganap ngayon at ditto upang makahulagpos sa panitikang ipinaangkin ng kolonyalismo.

Sa Kabuuan, tatlo ang sangay ng palatuntunang pangkultura sa bungad sa ika-20 siglo: (1) mapalaya ang hiraya sa hulmahang kolonyalistang nakraang tatlo siglo; (2) maipagpaparangalan ang katutubo’t sariling anyo; (3) malinang ang sariling kaakuhan laban sa bagong banyagang kulturang dulot ng Amerikano.

Sa panulaan ay katatawanin ng Balagtasismo ang mga adhikaing ito. Sisinupin nito ang natitirang alaala ng katutubong at palalaganapin ang isang mahigpit na kodigo sa tugma at sukat. Ibabantayog nito si Balagtas bilang modelo ng pagtulang katutubo at ng saloobing kontra-kolonyanista. Kakalingain nito ang diwaing pangkatarungan ni Balagtas at isusugpong sa proyektong makabayan at demokratiko na Rizal, Plaridel, Bonifacio, at Jacinto. At ipangtanggol nito ang lahat ng nabanggit sa modernisasyong ipinasok ng Amerikano.


Katulad ng binanggit ko nang panukala , mtalik na bahagi ng operasyong Balagtasista ang mahahabang tulang pasalaysay ni Corazon. Sa isang banda, ang lahat ng tulang pasalaysay ni Corazon ay pawing himagsik sa tulang pasalaysay na umiral noong panahon ng koloyanismong Espanyol. Nasabi na rin ni Regaladona kung layon ng balagtasan ay palitan ang duplo, ang layon ng Sa Dakong Silangan “ ay palitanang lumang awit ng mga babasahing makabuluhan at makabago sa isang ayos at paraang kahambing din ng mga awit”. Ngunit hindi lamang ang Sa Dakong Silangan ang may gayong simulain. Lahat ng akdang pasalaysay ni Corazon ay nag-uudyok ng pagsulong mula sa pasyon, awit at karido. Dili kaya’y pagbabalik, tulad ng nabanggit ko, ng panitikan mula sa paksaing banyaga tungosa “ngayon at dito”.

Ibig niyang isangkot ang tulang pasalaysay sa mga “buhay” pangkasalukuyan—sa mga paksa at interes na makabuluhan sa lipunan ng kanyang panahon—at palayain ito mula sa bilangguang Kristiyano at Midyibal ng pasyon at metriko romanse.
Maaaring ang pag-ibig ni Dalagang mayaman at Binatang mahirap ay de-kahon na ngayon .
Ngunit sa panahon ni Corazon ay isang malaking hakbang ito pasulong sa pag-ibig ng mga prinsesa’t prinsipe bukod sa malinaw na ibig na magsiyasat sa feudal na relasyong idinudulot ng umiiral na ekonomyang agraryo sa Filipinas. Hindi kataka-taka na mahumaling ditto ang bagong silang na katha, kapwa ang maikling kuwento at nobela, gayundin ang magiging naturalisadong sarsuwela.

Ganito din dapat tingnan ang paksang lungsod/ nayon na mayorya ng tulang pasalaysay .
Isang bagong paglirip ito sa lipunan at kabuhayang Filipino na tiyakang wala sa timbangang Kristiyano/Muslim ng metriko romanse’t moro-moro. May katangi-tanging binhi ito sa Si Tindang Basiong Macunat at Urbana at Feliza ngunit hindi na yayabong ang temang ito sa mga akdang Balagtasista. Dagdag pa, idinidikta ng ideolohiyang Balagtatista na maging mitikal na lunan ng inaalagatang nakaraan ang nayon samantalang isang pugad ng makabagong bisyo’t krimen at nakakarimarim na impluwensya ng Kanluran/Amerikano ang lungsod . Idinadambana pa ni Corazon ang tamis at luwalti ng buhay sa nayon sa pamamagitan ng maindayog na taludtod at mga saknong na hitik sa idiliko o mala-paraisong talinhaga, gaya sa bukana ng Gloria at sa simula’t wakas ng Maruming Basahan. Samantala’y tigib sa mahayap na komentaryo at pahimutok kung hindi man apokalipto ang kanyang paglalarawan sa lungsod, gaya sa ikalabing-apat na awit ng Gloria at ang bahaging XXIV-XXVII ng Maruming Basahan.

Sa Kabilang banda, ang mga tulang pasalaysay ni Corazon ay pagtatanggol laban sa Amerikanisasyon. Muli, dapat alalahaning mabuti sa bagay na ito ang Sa Dakong Silangan, lalo na ang mga saknong 408-420 na sa panahong iyo’y maituturing na pinakamatalisik at pinakamabagsik na paglalarawan sa laro at pakana ng imperyalismong Amerikano. Si Prinsipe Dolar ang pinakahuwaran ng balakyot na mithiin ng pananakaop na Amerikano. Taglay mismo ng kanyang pangalan ang labis na pagpapahalaga sa salapi ng binubuong lipunang kapitalista. Sa ibang salaysay, itoang pangunahing simbolo ng lungsod at ng mga tauhang kontrabida’t tagalungsod.

Materyoso’t maluho ang mga tagsiyudad. Binubulag sila ng pagsamba sa salapi’t kayamanan. Sapagka’t salapi ang puno’t dulo ng kanilang halagahan ay mala-hayop ang kanilang pagkatao, gaya ng tawag at katauhan ni Paniki sa Ang Ilaw sa Kapitbahay. Maaaring hindi siya tagalungsod ngunit dahil masalapi ay nakasira sa daigdig ng dalisay na pagmamahalan, gaya ng bumulag kay Pilar na ayon sa tula ay “tao raw mapilak na buhat pa sa Kanluran” (akin ang salungguhit). Dahil sa takawng kasal sa salapi ay kakatwa kung hindi katawa-tawa ang kanilang ugali, gaya ni Tommy na kinain ang hiyakahit iwan ni Flora sa araw ng kasal dahil binayaran ni Tiyo Serapion ang nagastos niya sa bangkete ng hindi natuloy na pag-aasawa.

Kaugnay ng tuligsa sa halagahang kapitalista ang malinaw na pagkatamo ni Corazon sa tinawag ni Renato Constantino na “miseducation of the Filipinos.” Sa saknong 414 ng Sa Dakong Silangan ay ganito ang paliwanag ni Corazon hinggil sa tiwaling pagtuturo:

Sa mga dambana ng bayaning bantog,
Panay na dayuhan ang itinatampok,
Bayani ng lahi’y madalas malimot
Insyensong puri”y sa dayo ang soob.

Na sinundan pa ng saknong 419 ng pagtukoy sa brainwashing na pinagdadaananng mga kabataan sa mga paaralan:

At ang kabataang tila nabubulag,
Kay madaming aklat nguni’t walang aklat
Libolibong aral, laksalaksang pilak
Paglabas sa templo’y dayuhan ang utak.

Noon pa pinaghilaan ng mga Balagtatista ang bitag ng malawakang sistemang paaralang publiko na mabilisang itinatag ng mga Amerikano. Uhaw sa edukasyon ang mga Filipino kaya isa ito sa hinihingi ng mga Propagandista sa gobyernong Espanyol noon. Idinulot naman ito agad ng mga Amerikano ngunit upang humubog ng mga Filipino na higit na nagmamahal sa Estados Unidos kaysa sa sariling bansa, sa Ingles kaysa sa siriling wika, sa ugaling Kanluranin kaysa katutubong kaugalian. Sa Maruming Basahan at Ang Ilaw sa Kapitbahay, ang “kolehiyo” ang lunan sa naturang “miseducation.” Pnaing ni Floraara itong tulad ng siyudad: malayaw at tigib sa pagkukunwari, sa maitim na budhing nababalatkauyuan ng urbanidad at modernong kasuotan. Narito ang isang bahagi ng hinaing ni Flora sa naging kapalaran niya sa piling ni Tiyo Serapion.

Ang aking amain kaya sinusunod,
Pagkat’t kasunod din ang pilak na bulog;
Di gaya sa nayon, kahi’t taga-bundok,
Susundin ka pagka’t may tapat na loob.
At ako’y ginawang manikin g dilag,
Binatbat ng mga sintas, singsing, hiyas!
Kung ako’y dumalo sa “Alta sosyedad”
Pagdaan ako’y daming nangapapalatak!
Pati ugali ko’y binago’t iniba,
Pagyuko’y may ngiti’t pagkamay, masaya!
Kung turingan ako ay tatlong anyo,
Ako raw’y Mayaman, Marunong, Maganda!
Kay daming! Ang papuri’y ano?
Sa harapan: kutya, sa likuran: tukso!
Mabangong kamanyang, taganas na aso!
Apoy ng paghangang pagtatapos, abo!

Si Tommy ang pinakagarapal na halimbawa ng edukasyong kapitalista’t Kanluranin. Pati pagsisisgarilyo niya ng Camel ay waring idinetalye sa tula upang ipakita na kahit bisyo niya’y hinubog sa pamantayang Amerikano. Samantala, bagaman tagalungsod at edukado ay higi’t sa simpatetiko ang pagpapakilala kay Corazon kay Celso Vidal, ang agrimensor na naiwan din sa araw ng kasal dahil nagtanan sina Didang at Oscar. Nagbaliw-baliwan si Celso pra makaiwas sa kahihiyan. Hindi tuad ni Tommy sa siningil ang amain ni Flora sa mga gastos sa paghahanda. Ngunit l waring dahil edukado, ay walang kakayahan si Celso na tarukin ang tunay na pag-ibig ng mga taganayon. Kaya habang nagbabaliwan-baliwan ay iniisip ni ang paghihiganti. Na naganap pagkatapos masagip sina Didang at Oscar sa kamay ng mga Kalingga. Biglang dinaluhong ni Celso ang dalawa at sinaksak.

Muntik nang mamatay si Didang sa tinamong sugat. Hinuli naman si Isarog si Celso para pugutan. Ngunit sinansala ni Oscar ang lahat at bagama’t malubha rin ang sugat ay nanghingi pang tawad kay Celso:

“Wala kaming kasalan sa pagtakas na naganap,
Sapagka’t ang aking sinta’y makakasal sa di liyag!
Sa ibon mang pipiliti’t mo ng pakpak,
Bago ito magpahuli, lalong matwid ang lumipad!”

Ang paliwag na ito ni Oscar ang sa wakas ay nagpahinahon kay Celsoupang tanggapin ang kabiguan at umalis sa Faire. Sa kabilang dako’y tila lagom din ang naturang saknong sa simulating moral na itinataguyod ni Corazon laban sa panghihimasok ng edukasyong modernisado’t Kanluranin.
Kailangan ang “pagtatanan,” gaya ng ginawa nina Didang at Flora, bilang pagtatakwil sa hibo’trahuyo ng Amerikanisasyon.

Politika at Realismo sa Pag-ibig

Dito dapat limiin pa ang politika ng “pag-ibig “ sa pagtula ng Balagtatista at si Corazon. Minsan ko nang pinag-ukulan ng pag-aaral ang tila pagsasanib ng mga lunggating pantao at pampolitika sa “pag-ibig’ ng mga tula ni Corazon. Pinakamagandang ebidensya hinggil ditto sa tulang “Sa Pag-ibig”(nalathala sa Tabila, Enero 5, 1929) at sa ikatlong saknong na:

Umibig ka sa irog mo nang wala mang pag-iimbot,
Hanggang ikaw’y nabubuhay, hanggang ikaw ay malagot;
Umibig ka sa bayan mo na ganap at lalong lubos,
Hanggang siya’y nakalaya’t hanggang siy ay matubos.


At sa naturang pag-aaral ay ikinawil ko ang “ pagtingala sa bituin”—isang tudyo na malimit
ikapit sa mga makata ng sawing pag-ibig— sa mga mithiing pampolika, mula sa paglalamay para sa kalayaan hanggang sa paghahanap ng naglahong tradisyon, na nilahukan din ng mga Balagtatista kasama na si Corazon. (Basahin muli ang aking introduksyong “Mga kuwintas sa Bituin at Luha: Isang Pagbabalik sa Buhay at Tula ni Jose Corazon de Jesus” sa Koleksiyong Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula na ako rin ang editor.)

Higit ngayong masisilip sa pamamagitan ng kanyang mga tulang pasalaysay ang gayong ugnayan at pagsasanib. Ang pananaig halimbawa ng nayon bilang lunan ng tunay na pag-ibig ay mahihinuhang nakabitling sa pagtatampok sa sariling tradisyon at katutubong dangal gayundin sa simbolikal sa paglaya sa kuko ng magdarayang kailarang dulot ng Amerikanisasyon. Ang nayon din ang sityo para itanghal ang idealism ng Katipunan, gaya ng pag-ibig sa api ng pagtututlungan at pagkakaisa.

Nais ko pang ipatitig ang moralidad ng pag-ibig sa pagtula ni Corazon, lalo na hinggil sa
konsepto ng puri at pagtingin sa babae. Una, nais kong sinsayin ang umiiiral na enterpretasyon hinggil ditto na napipiit sa mg a Balagtasista bilang mga konserbatibong tagasamba ng birhen at mahinhing Maria Clara dili kaya’y mga palikerong tagapagpalaganap ng kodigong machismo na nangangalandakan sa babae bilang mahina’t laruan. Walang gayong babae sa mga tulang pasalaysay ni Corazon. Sa halip, mga tauhang silangmatigas ang kalooban at handing ipaglaban ang dangal at pag-ibig hanggang kamatayan. Pinakamayumi na si Gloria. Ngunit piñata si Gloria sa saksak ang pinsan nang pagtangkaan siyang gahasain nito.

May suspetsa ako na ang lumaganap na pagtingin sa konserbatibo at maka-lalaking trato ng mga Balagtasista sa puri at babae ay maaaring bunga ng maling pagbasa sa kanilang akda dili kaya’y bunga ng pakalat ng mga anekdota hinggil sa kanilang buhay na labis na nagdidiin sa kanilang buhay-bohemiyo. Bihira naman talaga ang nag- ukol ng masusing pagbasa sa akda ng mga Balagtista samantalang marami ang nagpalaki sa mga sabi-sabi hinggil sa kanilang mga romansa.

Kung sakali, literal na binabasa ang halimbawa’y panawagan ni Corazon sa iba’t ibang “irog” upang patunayan lamang ang paglalaro sa pag ibig ng makata at sa gayo’y upang isingit ang mababang pagtingin niya sa babae.

Ikalawa at kaugnay ng una, nais kong idako ang pagtatanghal sa puri at sa babae bilang matalik na kasangkapan sa paghahanap at pag- ungkat sa tradisyonal. Ang “puri” gaya din ng
“nayon,” ay halos laging metonimiya ng “katutubo.”Likas na konserbatibo samakatwid ang ganitong pagsaalang alang sa puri. Ngunit tiyakang hindi ito kasingkahulugan ng bukodtanging pag-idolo sa pagiging “birhen at mahinhin” na naging lapida ni Maria Clara ni Rizal. Manapa, ipinahihiwatig sa mga bidang babae ni Corazon na masyadong mahirap o halos imposibleng manatiling “birhen” at hindi dapat manatiling “mahinhin” ang isang babae dahil sa bangis ng kasalukuyan at dahil na rin sa dahas ng pinagdaanang kasaysayan sa ilalim sa koloniyanismong Espanyol.

Pinakamatingkad na sagisag ng “katutubo” na naging biktima ng karumal-dumal na karahasan ay si Reyna Malaya bilang babaeng historical. Sa mga babae na kasalukuyan, napakapait ng eksperyensiya ni Dalagang mayaman at ng anak niyang si Remedios na ginahasa kapwa ni Paniki.


Si Didang ay walang saplot at halos mapagsa- mantalahan ng hindi nakakakilalang si Isarog/Renato. Ngunit waring higit na namumukadkad ang kanilang karangalan pagkaraan ng gayong kasawian. Ang paggahasa, na isang ulit-ulit na talinhaga ni Corazon sa dominasyon (political man o ang uso ngayong pangkasarian), ay hindi naging sapat para bumaba ang pagkatao ng mga naturang tauhang babae.

Isang susi sa bagay na ito ang konsepto ng “tunay na pag-ibig” ni Corazon. Balikan muli ang sinipi kong saknong mula sa tulang “Sa Pag ibig.” Hindi sa pagkabirhen, kagandahan o kayamanan ang batayan ng “puri.” Higit sa pamantayang feudal at materyalista-kapitalista, laging ipinangangaral sa tula ni Corazon ang pag ibig “nang wala pag-iimbot.” Ito ang higit na dumadalisay sa “puri”ng isang tao—mangingibig man siya o bayani ng lahi.

Ang “tunay na pag-ibig” ang sumagip kina Gloria at Roberto sa kabila ng sunod-sunod na kasawian. Ang pag-ibig ni Bayani ay hindi nasubhan kahit pumangit si Princesa Luningning. Ang pag-ibig ni Binatang mahirap ay ni hindi nabawasan kahit naging ina sa ibang lalaki si Dalagang mayaman. Ang pag-ibig ni Flora ang nagtulak sa kanya para itakwil ang lahat ng layaw bilang ampon ni Tiyo Serapion. Kaya’t anuman ang mangyari ang “tunay na pag-ibig” ay laging nagwawagi sa wakas o kaya’y dapat na laging nagwawagi sa wakas, sang-ayon sa panukala ng estetika’t politika na pagtula ni Corazon.

Sa kabilang dako, ikinabababa ang pagkatao ang pagtatalusira sa pag-ibig. Kaya kasawian ang tadhana ng mga sumusuway sa tawag ng “tunay na pag-ibig.” Wika nga ni Balagtas, sa panandalian ligaya aytali-taling lungkot ang kasunod. Malimit nga’y kamatayan ang naghihintay sa pagtataksil, gaya ng marahas na katapusan ni Pilar. Upang wari’y ipagdiinan ang halaga ng “puri” at ang samang paglalaro sa pag-ibig ay nagbigay pa ng “Munting Aral” si Corazon sa dulo ng Ang Ilaw sa Kapitbahay:

Kaya ikaw, Paruparong naglalaro sa bulaklak
palipatlipat ng sinta, pabagobago ng liyag,
bawa’t rosas, alamin mong may tinik sa pusong sukab,
baka ikaw ay matinik sa maharot mong paglipad!
Habang hindi tumitigil, nag pakpak mong kumakawag,
Binubulag ka ng iyong mga bulong na sa pakpak!!
Akin lamang iginuhit sa tulaing inot-inot,
itong aking nakikitang mga aral na malungkot
Kung uod ka ng dalaga, puri’y iyong inilugmok,
kung di ikaw ay anak mo, ang may ganti, pagtutuus!
kung ayaw kang maniwalang ang hatol mo ay kasunod,
maniwala ka man lamang, na tayo’y may isang Dios!


Ang pag-ibig, lalo na ang pag-ibig sa bayan, ay isinusumpa minsan lamang at hanggang kamatayan. Hindi ako magtataka kung tawagin ding “Paruparo” ni Corazon ang mga tinatawag ngayong political butterfly at “balimbing” na handang isakripisyo ang dangal ng bansa alang-alang sa pansariling pakinabang. (Magandang balikan dito ang tulang “Hinangad ni Bonifacio” na lumabas sa Taliba, Nobyembre 28, 1924. Kasalukuyan noong mainit ang pagtatalo tungkol sa Fairfield Bill na nangangako nang may taning at unti-unting paglaya. Sa tula, nanaog daw sa bantayog niya si Andres Bonifacio at hinarap ang mga politiko para usigin. Isinermon ng Supremo ng Katipunan na dapat ipaglaban ang kalayaan at hindi dapat matuwa ang mga lider sa bentot ng mga Amerikano. Pagkaraan, hinabol niya ng taga ang mga politukong sumasayaw sa simoy ng hangin:

At ang mga pulitikong medyo, hindi medyo oo
sa pagtanggap ng Bill Fairfield, hinangad ni Bonifacio.
Nang mahuli’t malapat na ang taksil na pulitiko,
Ang estatwa’y nanauling batong nasa monument.

Para kay Corazon, ang “puri” at “laya” ay kasinghalaga ng buhay kaya’t dapat ingatan at
ipagtanggol hanggang kamatayan. Ang mga ito ay hindi maaring ipagbili o kahit ba isangla kahit saglit.)

Bilang makata ng bihay sa kasalukuyan, higit pang kapaki-pakinabang ang mga tulang pasalaysay kapag tahasang tumatalakay sa paksaing napapanahon. Hindi nawawalan ng ganitong detalye ang kanyang mga salaysay, maliban sa Ang Sawa na ibang lupain ang tagpuan. Kahit Ang Kartero ay may komentaryo sa pagdurusa ng mga taong lugmok sa karalitaan bukod sa pagpapakilala ng paglilingkod sa koreo bilang isang bagong serbisyo publiko. Ang Gloria ay sumusulyap sa nagbabagong moralidad kasabay ng nagbabagong kabuhayan sa karaniwang bayan ng Gitnang Luzon at sa pamamagitan ng pangkat ng tulisan ay nagsisiwalat sa hindi pa ganap na kaayusan at kapayaan sa panahon ng mga Amerikano. Ngunit pinakatampok sa pagtalakay ng paksang kontemporaneo Ang Mga Itinapon ng Kapalaran. Sa kabuuan, ito’y isang argumento laban sa paghahanap noon ng ikinabubuhay sa ibang lupain. Marami na rin noong OCW at dumarating ang masasaklap na balita hinggil sa pagsasamantala’t pag-alipin sa kanila sa mga plantasyon sa Hawaii, mansanasan ng California, pabrika ng Chicago, at salmunan sa Alaska. Ibig imulat ni Corazon ang mga kababayan sa lupaing pangako na narito lamang sa Filipinas. Para hindi na sila mangibang- bansa at higit pang pakinabangan ng sariling bayan ang kanilang sipag at talino. Pangaral nga ni Corazon sa bandang dulo ng salaysay:

Sa dami ng mangagawang dinadala ng Dayuhan,
Sa Haway ay nagtutubo at sa Frisco, naghalaman;
Bawa’t bisig na paroon, isang lagas ditong buhay,
lalo tayong naghihirap, lalo silang yumayaman.


Kung kaya nga naisip kong itong buhay ay sulatin,
ng mag-anak na humanap ng palad sa lupa natin…
Punong puno ng Maynila ng kawani at alipin,
Kayo’y pa-sa lalawiga’t ang ligaya’y paghanapin…


May lupain sa San Jose, Abra, Dabaw na “homestead”;
Sa Kagayan de Aparri’t sa Kagayan de Misamis,
ay may lupang nagtiwangwang na nag hinihingi’y bisig,
mga bayang kumakaway sa lahat ng anak-pawis.

Kailan ma’t sa bisig nang manggagawa ay may sipag,
sa pinto ng kanyang dampa ay papanhik din ng pilak…
Ang inam nang huwag ka nang umalis ng Pilipinas,
bayan mo rin itong iyong nabigyan ng bagong palad.


Ang Faire, sa gayon, ay hindi kathang lupain ng pangako. Ang totoo, isang nilawag na bayan ito sa kagubatan ng Cagayan at Sison ngayon ang pangalan. Masikap si Corazon kahit sa paglalagay ng ganitong realistang detalye upang higit na maging kapani-paniwala ang kanyang naisip sulating “buhay.”

Bagong Anyo, Bagong Buhay

Mahigpit na kabigkis ng buhay pangkasalukuyan sa mga tulang pasalaysay ni Corazon ang isinagawang reporma ng mga Balagtista sa anyo ng pagtula. Nabanggit ko nang sininop ng mga Balagtista ang inaakalang katutubong mga sangkap ng Tulang Tagalog, lalo na ang kodigo ng tugma at sukat. Ngunit sila rin ang nakasilip sa limitasyon ng natitirang katutubong panulaan pagkatapos ng mahabang panahon ng kolonyalismo. Lubhang naging matagumpay ang kolonyalismo kahit sa pagbura ng mga sinaunang alaalang pampanitikan at sa pagtanggap ng mga banyagang impluwensiya. Anupa’t sa bungad ng ika-20 siglo, malaking suliranin ang limitadong ispesimen ng matatawag na taal na pagtulang tagalog at kahit ang mga popular na tulang-bayan ay mapaghihinalaang may timo ng naturalisadong sangkap ng Europeo.

Hindi ito ipinanlumo ng mga Balagtista. Sa pamamagitan na rin ng halimbawa ni Balagtas ay ganap nilang inangkin ang mga naturalisadong sangkap ng pagtula bunga ng kolonyalismo. Sa pormalisasyon halimbawa ng tugma at sukat ay walang-atubiling ipinasok ni Lope K. Santos ang elemento ng “hati” na tiyakang Tinagalog na pangalan ng caesura sa arte mayor ng pagtulang Espanyol. Mga Balagtista rin ang gumalaw sa dating tugma’t sukat na isahan ng panulaang-bayan.

Lumikha sila ng mga saknong na may iba’t ibang tipo ng dalawahang tugma’t sukat bukod sa masayang inangkat ang mga tradisyonal na anyong Europeo, gaya ng soneto, lira, silva, octava real, atbp. na totoong nagdulot ng pleksibilidad sa saknungan ng tulang Filipino.

Sa tulang pagsalaysay, isang matingkad na eksperimentong pantaludturan ang ginamit na saknong sa Ang Pangginggera ni Lope K. Santos. Waring bukod sa tumahi ng buhay na kontemporaneo sa paraang naturalista ay kailangan din niya itong langkapan ng isang bagong anyo ng taludtod upang mailayo sa tugma’t sukat ng pasyon at metriko romanse.

Taglay ni Corazon ang ganito ring adhika magmula sa kanyang pinakaunang tulang pasalaysay. Pinakaeksperimental sa lahat ang taludturan ng Ang Sawa. Hinati niya sa anim na “Awit” ang buong salaysay. Ngunit walang malinaw na distribusyon ng mga saknong bawat awit at lalo namang walang tiyak na bilang ng taludtod ang bawat saknong. Anupa’t mailalarawan lamang ang saknungan sa pamamagitan ng pagbilang sa dami ng mga linya sa bawat awit, gaya ng sumusunod: 57,64,55,45, at 69 taludtod.

Sungki-sungki rin ang haba ng mga taludtod kaya’y sa unang malas ay malayang taludturan. Ngunit hindi ito free verse katulad ng ipinapanukala ng Modernistang pagtula ng mga nag-aaral sa Ingles noon. Una, may tugma sa dulo ng bawat kambal na taludtod, na kung minsa’y itinutuloy sa tatluhan at hanggang sa limaha. Waring depende bilang ng mga nagtutugmang taludtod sa pagdating ng pantugmang tunog, at kaya may nakasaad na “kalayaan” dahil walang tiyak na pardon ang tugma, halimbawa’y ang mahirap hulaang paglitaw ng aabbccddaaaa sa unang saknong ng ikaanim na awit:

Ikakasal si Tarhata sa Prinsipeng nililingap,
Sa Prinsipeng damit asul na kaniyang napangarap.
Ang palasyo ni Ormalik
sa ligaya ay nagtalik…
Isang daan ang korneting hinipan nang sabay-sabay
At sinabi sa Reinong ang Prinsesa’y ikakasal…
Labing-isang magog indio
ang naghandog ng sundalo…
Mga galang at sandalyas
mga rubi, mga perlas,
saka itim na karbungkong kumikisap
ang tinanggap
ni Tarhatang sakdal dilag.

Hindi rin malaya ang sukat dahil may nangangasiwang isang yunit ng bilang ng pantig — ang aapatin. Ito ang nagdudulot ng masiglang ritmo sa bawat saknong sapagkat bawat taludtod ay may haba na maaaring hatiin sa apat na pantig para magkamusikang 4/4, 4/4/4, at hanggang 4/4/4/4 o 8/8. Ang saknong halimbawa na itaas ay may distribusyong 8/8, 8/8, 4/4, 4/4, 8/8, 8/8, 4/4, 4/4, 4/4, 4/4, 4/4/4, 4 at 4/4.

Kung tutuusin, pinakakumbensiyonal sa mga tulang pasalaysay ni Corazon ang sa Sa Dakong Silangan. Nakasukob ito sa anino ng kuwartetang may isahang tugma’t sukat ni Balagtas. Waring sinadya ito ni Corazon upang mabilis na maipaguit ang Florante at Laura bilang bukal ng kanyang alegoryang pampolitika at upang ipanukala ang higit na makabuluhang layunin ng kanyang pagtula kaysa awit ni Balagtas.

Babalikan lamang muli ni Corazon ang popular na anyo ng saknong ng awit ni Balagtas sa kanyang huling tulang pasalaysay. Gayunman, sisikapin niyang ilihis ang Maruming Basahan sa pama-magitan ng pagtutumpok ng apat na kuwarteta sa bawat bahagi ng tula. Sapagkat dikit-dikit ang apat na saknong ay mistulang may tipak ng mga taludtod na binubuo ng labing-anim na linya na may sukat na lalabindalawahin at tugmang nagbabago tuwing matapos ang ikaapat na linya: aaaabbbbccccdddd.

Ang iba pang tulang pasalaysay ay pawing nagtataglay ng mga repormistang saloobin sa pagtulang Balagtista. May labimpitong kabanata na may pamagat bawat isa Ang Kartero, bawat kabanata ay may apat na bahagi, at bawat bahagi ay pinagdikit na dalawang kuwarteta. Gumagamit ito ng bagong sukat, ang sukat na lalabing-animin, na may hating 8/8 na paborito ni Corazon kahit sa maikling tula at isa sa mga inimbento ng mga Balagtasista. Dahil rin iisa ang tugma ng walong taludtod sa bawat bahagi ay hindi kuwarteta kundi dapat ituring na wawaluhin ang saknong ng Ang Kartero.

Ang Gloria ay may masalimuot na pagbalagkas sa ng mga saknong. Binubuo ito ng labing- anim na kabanatang tinawag muli niyang “ Awit,” may anim na bahagi bawat awit, at may limang saknong bawat bahagi. Ang saknong ay may isahang sukat at tugma sa apat na taludto. Ngunit sinuway nito ang tradisyunal na kuwarteta sa pamamagitan ng sukat na lalabing-animin.

May dalawampu’t apat na kabanata ang Ang Ilaw sa Kapitbahay. Ang bawat kabanata ay may pamagat at tinatawag na “dahon.” Ang bawat kabanata o dahon ay may nilalaman namang anim na saki Bagama’nong. Bago rin ang padron ng saknong dito ni Corazon. Bagama’t may isahang sukat at tugma, ang sukat ay lalabing-animin, at higit sa lahat ang bilang ng mga taludtod ay anim.

Kahawig ng Gloria ang saligang padron ng saknong ng Ang mga Itinapon na Kapalaran, saknong na tulad ng tradisyunal na kuwarteta ngunit may sukat na lalabing-animin. Naglalaban din sa haba ang dalawang salaysay. May apat na hati Ang mga Itinapon na Kapalaran, bawat hati aya may anim na kabanata, bawat kabanata ay may apat na bahagi, bawat bahagi ay may apat na saknong.

Anupa’t umaabot ito ng sa 24 na kabnata, 96 na bahagi, at 498 saknong. Senyas din ang mga tulang pasalaysay ni Corazon sa nagaganap na paglalaho ng panahon ng metriko romanse at pagliwayway ng panahon ng kathang tuluyan. Habang itinatakwilang mga lumag limitasyon ng awit at korido, ang mga tulang pasalaysay ni Corazon ay waring nasa bingit naman ng pagtanggap sa mga birtud ng kasisilang na maikling kwento at nobela. Taglay halimbawa ng Ang Sawa at Ang Kartero ang mga katangian ng isang maikling kuwento. Yugto-yugto ang mga pangyayari sa naturang mga salaysay tungo sa isang matinding kasukdulan. May epekto namang mistulang isang maikling kwento rin ang Maruming Basahan dahil ang halos buong salaysay ay ginunita lamang ni Flor para sa mga mambabasa habang hinahanap si Dino. May dramatikong sanga ang balangkas ng salaysay, isang pabalik sa higit na mahabang lumipas na buhay at isang pagtutugaygay sa landas ng paghahanap sa kasalukuyan, parang kambal na sanga ng tiradir na mag-iigkas sa mala-panaginip na pag-iisang-dibdib nina Flor at Dino sa piling ng kalikasan.

May binhi naman ang kathang hiwaga, o yaong tinatawag ngayong mystery thriller at detective story, Ang Ilaw sa Kapitbahay. Tila dalawang pinagbuhol ng rosaryo ang pag-ibig ng ina at ama ni Gloria at saka nina Gloria at Roberto sa Gloria at maaaring ituring na isang mahabang ejemplo hinggil sa kabanalan ng pag-ibig. May potensiyal ng bildungsroman ang Maruming Basahan ng at may lawak ng pangitain ng biblikong exodus ang panorama ng Ang mga Itinapon ng Kapalaran bukod sa gaya ng ibang salaysay ay tigib sa ibang gawaing costumbrista.

Ang disenyo ng kanyang mga salaysay ay may mga palatandaan ng matalik na kaalaman sa mga pormalistang kahingian ng makabagong katha. Halimbawa’t hindi suwerte lamang na hindi nalunod si Roberto nang itapon sa ilog ng mgaa tulisan. Sa bukana ng Gloria ay tinawag na si Roberto na “anak ng tubig” at iniligtas sa pagkalunod si Gloria noong bata pa sila. Kailangang isingit si Yuge sa buhya nina Pedro dahil mahalaga siya sa dulo para maligtas sina Didang at Oscar. Ang ganito lamang paghahanda ay ipagdiriwang kahit ng mga alagad nh New Cristicism.

Bukod pa rito ang laging sinasabing Gotikong panganorin sa kanyang mga tula ng pag-ibig. May kung anung misteryoso, madilim at maitim, na atmosperang nakalukob sa tagpuan. Ang mga tauhan naman ay tila laging sapupo ng isang di-normal na kalagayang sikolohiko kapag umibig, gaya ng baliw na makata, selosang asawa, insestuosong paniki, malibidong tulisan at Kalinga, atbp. Na pawang noon lamang lumitaww sa pahina ng mga lathalaan.

Binabago ni Corazon ang tulang pasalaysay mulang awit at korido ngunit sa paraang nilalahukan niya ng mga katangiang mula sa kathang tuluyan. Kung sa bagay, waring imposibleng pitasin lamang mula sa hangin ni Corazon ang mga naunang inobasyon lalo na’t may kaugnay sa pag akdang realista. Siguradong nasimsim din niya ang mga ginamit na kabaguhan mula sa pagbabasa ng mga librong mula sa Europa at Amerika Latina gayundin sa naunang eksperimento sa prosa ng ibang manunulat sa Filipinas pagkaraan ni Rizal.

Dito dapat isingit na ang hayag ng layunin ni Corazon sa pagtulang pasalaysay ay hindi niya pinasimunuan. Bago matapos ang ika-19 na siglo ay may sirkulo na ng makata na nagkimkim ng gayong bisyo. Nabanggit ni Balmaseda na sa Maynila, nanguna sina Pascula Poblete, Inigo
Regalado, Modesto Santiago, Gabriel Beato Francisco, aat Diego Moxica na ang mga tula’y “di na sa awit at nobena lamang nila ginagamit, kundi binigyan na ng bagong bihis, pinaramtam ng bagong gayak, at diniwaan ng mga bagong kaisipan.” Gayundin diumano ang ginawa ng tagapTayabas na si Irineo Cabanero, at ng mga taga-Batangas na sina Bernardo Solis Mitra, Emiliano Mangulat, Roman Dimayuga, Melecio Bolanos, Antonio Luque, Albino C. Dimayuga, Joaquin Manibo, Nemesio Magboo, Pedro at Simeon Aranas, at marami pang iba.

Gayunman, hindi lumawig at naging popular ang kanilang mga akda kung ikokompara sa naging bilang ng limbag na akda at tiyak na malaking bilang ng madlang mambabasa ni Corazon.

Mahahalata rin na sinadyang kasangkapan ng akdang prosa tungo sa higit na kasiyahan ng madla. Kahit ang inobatibo niyang paggamit ng tagapagsalaysay o persona ay malaking tulong sa ikabibilis ng pagkukuwento at sa pagdudulot ng angkop na mood sa tagpo. Sa harap ng kung minsa’y maharot kung minsa’y mapanimdim na tagapagsalaysay ni Corazon ay tunay na magmumukhang pormal at hukluban ang mga tinig ng matandang awit at korido.

Sa pamamagitan din ng tagapagsalaysay sa unang panauhan ay nagtitila personal abg buong kwento, may sigla at sikdo na kawangis ng isang pagtatapat at kwentuhan ng matalik na magkaibigan o kamag-anak. Kaya’t kahit sulak ng mga madamdaming paglalarawan ay parang biglan at sariwa, walang pakunwari. Halimbawa’y ang masaya at halos erotikong simula ng Ang Ilaw sa Kapitbahay.

Salamat sa Buwang noo’y gasuklay na nasa ulap
at sa dibdib nitong Hardi’y may sinag pang sumusugat;
Sa lilim ng punong manggang tuyong daho’y nangagkalat
may dalawang puso’t diwang kandong-kandong ng pangarap;
Kung may isang tuko roong nanunukso’t umaabat
ay sapagka’t nakikitang may magkasing magkayakap!

Kauungol lamang noon ng orasang nagaantok
sa Simbaha’t, ang ikatlo’y nangdadalang na tinugto;
Sa loob ng Hardin ito’y may dalagang naglalagos,
kinakapa ang landasin; may binatang sumusunod…
Nang magkita, ang halikan parang sumpak na matunog,
nang magyapos, pusa’t sawang pati buto’y lumalagutok!

Ang totoo’y hindi naiba sa mga tulang maikli ni Corazon ang himig ng kanyang mga tulang pasalaysay. Mahaba lamang, ngunit bawat bahagi ay makapagpapagunita ng kahawig na estilo o paggamit ng tayutay sa isa niyang maikling tula. Matingkad na ehemplo ng ganitong pagtitiyap ang mga saknong 335-339 ng Gloria at ang unang tula “Kahit Saan.” Sa salaysay, dinumog si Gloria ng mga namimituho ngayong alam nilang mayaman siya at nawawala ang kasintahan, at bawat mamintuho naman ay binibigo ng dalaga.

Tingnan ninyo ang pag-ibig, abogadong matanda na,
ay kung bakit naligalig at naakit at naakit pa kay Gloria,
matapos ang ilang araw ay humihingi ng pah-asa,
ang sagot ng binibini: “Ako’y wala nang pas-asa!”

Sa bayan ay mayrong isang inhinyero nakasapit
na kay Gloria’y nagpahayag ng lahat ng ganitong nais;
matapos ang ilang linggo ay humingi ng tangkilik,
ang sagot ng mutyang hirang:”Ako’y wala nang pag-ibig!”

Sa bukid ay mayroong isang albularyong namintuho.
na nagpahayag kay Gloria ng pagsintang buong puso;
matapos ang ilang gabi ay nagtanong ng pagsamo,
naging sagot ng dalaga: “Ako’y wala nang pagsuyo!”

Mayron namang lumiliham araw-gabing manggagamot,
na nagpahatid kay Gloria ng daing na di matapos;
nang sumikat ang umaga’t ang manok ay tumilaok,
ang sagot ng ating Gloria:”AKo’y wala nang pag-irog!”

At sa wakas, mayrong isang nagpanggap na manunulat,
gumawa ng sampung tulang dumaraing, tumatawa;
nang itanng na kay Gloria kung ano ang kanyang palad,
ang sagot ng paraluman:”Ako’y wala nang paglingap!”

Ang anadiplosis sa dulo ng bawat saknong ay nagsilbing tagapagdiin sa tigas ng kalooban ni Gloria at waring kakambal nito ang pagpupumilit ng persona sa “Kahit Saan” upang igiit ang sarili:

Kung sa mga daang nilalakaran mo,
may puting bulaklak ang nagyukong damo
na nang dumaan ka ay biglang tumungo
tila nahihiyang tumunghay sa iyo…
Irog, iya’y ako!
Kung may isang ibong tuwing takipsilim,
nilalapitan ka at titingin-tingin,
kung sa iyong silid masok na magiliw
at ikaw’y awitan sa gabing malalim…
Ako iyan, Giliw!
Kung ikaw’y magising sa dapit-umaga,
isang paruparo ang iyong nakita
nasa masetas mong didiligin sana
ang pakpak ay wasak at nanlalamig na…
Iya’y ako, Sinta!
Kung nagdarasal ka’t sa matang luhaan
ng Kristo’y may isang luhang nakasungaw,
kundi mo mapahid sa panghihinayang
at nalulungkot ka sa kapighatian…
Yao’y ako, Hirang!

Kaipala, sa ganito mahihiwatigan ang kakaibang bighani ng mga tulang pasalaysay ni Corazon. Bukod sa mga inobasyong ipinasok mulang akdang prosa at sa tunay na kadalubhasaan niyang magdala ng kuwento – Magaan at mabilis ang daloy ng kanyang salaysay at naaakit niya ang kawilihin ng mamababasa hanggang katapusan! – itinutula pa rin niya ang “buhay” sa parang ikinatangi niya sa puso ng madla. Ito marahil ang nasa isip din ni Rufino Alejandro nang lingunin niya ang “(A) ng kasaysayan ng panulaang Tagalog sa loob ng dalawampung taon o mahigpit pa, mula nang lumabas sa larangan ng panitikan si Corazon, ay kasaysayan ng masiglang pagbabagong- buhay ng ating panitikin, na magpahanggang ngayon ay hindi pa napapantayan.” Para kay Alejandro, waring walang pagsulong sa panitikan, na mapanghanggang ngayon ay hindi pa napapantayan.” Para kay Alejandro, waring walang pagsulong sa panitikan sa panahon ng pagsusulat ni Carazon na hindi kalahok ang talino’t haraya ni Corazon. Hinihintay ko ang anumang kasalungat na pagbasa sa Makata ng Ika-20 siglo.

 

TUNGKOL SA MAY AKDA

Si Virgilio S. Almario ay ginawaran ng pinakapremyadong parangal ng Republika ng Filipinas bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 2003. Siya ay nangungunang makata, kritiko, editor, tagasalin, guro, at administrador pangkultura.Kasalukuyang siyang naglilingkod bilang Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA).

Bilang makata, tagasalin, at kritiko, isa siya sa mga nagsulong ng matagumpay na Modernismo sa panulaang Filipino kasama sina Lamberto E. Antonio at Rogelio G. Mangahas. Nakapaglathala siya ng mahigit 80 aklat sa tula at kritisismong pampanitikan. Ilan sa mga mga pinakabago niyang koleksiyon ng tula ay Ang Romansa ng Pagsagip ng Osong Marso (2013), Lungting Lungsod ng Lunggati (2014), May mga Damdaming Higit Kaysa Atin (2015), at Sa Oras ng Tindera at Kriminal (2017). Isinalin na rin ang kaniyang mga tula sa mga nangungunang wika sa mundo gaya ng Ingles sa librong Heartland (2016) at sa librong In the Hour of Merchant and Felon (2017); sa wikang Español sa librong En tiempos de la vendedora y del criminal (2017); at sa wikang Italian sa librong Il regno della venditrice e del criminale (2017).

Malaking bahagi ng kaniyang buhay ang inilaan niya sa pagiging guro. Ginawaran siya ng ranggong Professor Emeritus ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong 2010. Naglingkod bilang Dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura sa UP Diliman. Nakamít din niya ang Gawad Tsanselor at UP Centennial Professorial Chair ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong 2008.

Pinarangalan ang kaniyang mga ambag sa wika’t panitikan ng IV Premio Jose Rizal de las Letras Filipinas para sa koleksiyon ng tula En Tiempos de la vendedora y del criminal, Don Palanca Memorial Awards, National Book Awards, the SEA WRITE Award of Thailand, Komisyon sa Wikang Filipino, Ten Outstanding Young Men for Literature,Talaang Ginto Poet of the Year, Philippine Board of Books for Young People (PBBY), CCP Literary Awards, CCP Centennial Award for 100 Outstanding Filipino Artists of the 20th Centruy, at marami pang iba.

 

Leave a comment